Isa akong byahero, at isa ako sa mga nilalang na naging libangan na ang pagabot ng bayad sa jeep at paglasap ng vetsin na hinaluan ng mani pag nasa bus. Apat na araw sa isang linggo, apat na linggo sa isang buwan, ibat-ibang pagmumukha, magkakahalintulad na karanasan.
First stop...
Si manong na nakaupo sa may bungad ng jeep. Bakas sa kanyang inubang buhok at nangungulubot niyang mukha ang kasaysayan ng kanyang buhay. Ang nanunuyo niyang balat at maugat na mga kamay na bumuhat ng maraming responsibilidad. Di din maikakaila na ang tangan niyang nilumang kasuotan ay naging saksi sa kasaysayan ng bansa, kamisetang may batik-batik, kinupas na maong at nauupod na sandalyas, ilan lang yon sa mga naging pananggalang niya sa pakikibaka noong panahon ng martial-law. Ilang taong paghihintay ng pagbabago...maabutan niya pa kaya ang panahon na yon?
Sa gawing kanan naman, kahanay ng drayber, isang ulirang ama na mukhang hapong-hapo sa buong araw na pagtatrabaho. Kapalit ang isang kilong bigas at ilang pirasong talong at isda na nakasilid sa supot na bitbit niya sa kanyang kanang kamay, tipikal na hapunang pagsasaluhan ng kanyang pamilya paguwi niya. May pasalubong siyang malungkot na balita sa asawa niya...bukas, kailangan na niyang maghanap ng panibagong trabaho. Makahanap kaya agad siya?
Sa harapan niya, isang matabang nanay katabi ang kanyang anak na lalaki na arawan niyang sinusundo mula sa eskwelahan tuwing ala sais ng hapon at di uuwi ng bahay na walang nginangasab na Darna Crackerskapartner ang buko juice na kanyang inumin kasabay sa pagagos sa labi ng kanyang sipon. Pangarap ni nanay na maging pari itong panganay niyang si Pengpeng, ang problema e sa edad na siyam na taong gulang tila ba dasal na kung iusal niya ang mga katagang ‘putang ina’ sa tuwing nababanas siya sa kanyang mga kalaro. Di kaya mas bagay sa kanya maging pulitiko balang araw?
Panay naman ang pagsayaw ng hinlalaki ng lalaking ito sa keypad ng kanyang mamahaling cellphone at minuminuto ang paglapat nito sa kanyang kanang tenga na para bang di niya makontak ang manggagantso niyang kliyente. Suot ang plantsadong long sleeve na kulay bughaw na nakailalim sa pantalon niyang naghihimulmol, mainam siyang nakaupo katabi ang mag-ina habang nakakunot ang balat niya sa noo na nakikiayon sa mga hinlalaki niyang abala sa pagpindot ng kanyang cellphone.
Ano kaya ang propesyon niya? Masaya kaya siya sa trabaho niya?
Di din maiwasan ng atensyon ko na mapadapo sa mga katabi ko sa kaliwa; isang binatilyo’t dalagita na mukhang mga estudyante sa high school. Sa lagkit ng tinginan ng dalawa at sa payat na braso ni totoy na nakalingkis sa baywang ni nene, di maiikakailang mainit ang relasyon ng dalawa. Pasimple kung umiskor itong si totoy na pakipot pang sinasaway ni nene. Marami silang natutunan sa Biology class nila kanina, aliw na aliw sila sa paksang reproductive system at kung paano napupunlaan ni lalaki ang lupa sa bakuran ni babae. Tapos na ang klase para sa araw na yon, pero sinasabi ng mga ngiti nila na mayroon pa silang ibang pupuntahan bago umuwi sa kanilang bahay.
Bayad ho...
Siyam kaming nasa jeep na may sari-sariling mundo. At ako...nakaupo sa harap katabi ng drayber, taimtim na pinagmamasdan ang mga eksenang nadadaanan sa kalsada. Nagbabasa ng mga kwentong nakasulat sa itsura ng mga tao sa loob at labas ng sasakyan. Sa mga hugis at linyang gumuguhit sa kanilang mukha makikita kung gaano na kalayo ang napagdaanan na nilang byahe, mga sarili nilang nobela na sila mismo ang may likha at mga kasaysayang nanunuot sa kanilang balat kapiling ng kanilang libag. Bawat itsura ay may magkakauganay na istorya at nabubuo ang mundo dahil sa kapangyarihan ng isang simpleng kwento.
...gaya nga ng sabi nila na ang buhay ay isang mahabang byahe. Kung di mo alam ang pupuntahan mo, ‘wag mo kalimutang magbaon ng mapa at ekstrang pera.
...ako? malayo pa byahe ko.
Gusto mo sumama? (^_*)
nakakatuwa tong istorya :) isang ordinaryong sitwasyon lang, na nagkaroon ng magandang kwento dahil sa obserbasyon at sa mga bagay nadin na naglalaro sa isipian ng nagsulat... ^_^
TumugonBurahinPanget. Walang gustong mangyari ang sulat na ito, walang damdamin. Bumida ka lamang na pinapansin mo ang mga nasa paligid mo at binigyan mo sila ng kwento batay sa 'kung ano ang maari'. wala kang isinaad na pinaghalawan ng mga binabanggit mong istorya. Saan mo napulot ang
TumugonBurahin"ilan lang yon sa mga naging pananggalang niya sa pakikibaka noong panahon ng martial-law"
kulang na kulang ang mga detalye mo. Walang pinupukaw. Walang mararating ang istorya, maari sa byahe meron. Pero kung ang gusto mong mangyari ay makapagsulat lang ay nagampanan mo naman, wala nga lang 'value'. mag-aral ka pa.
samantha yung hinahanap (pagpupukaw)mo tingin ko wala pa dito yun.sa ibang babasahin marami. at malay natin sa mga susunod pa nya na isusulat dba.ako tingin ko dun sa kwento medyo nag iba dun sa huli.yung sa mga subj na biology medyo lumayo na o kaya hindi mo nakumpleto ang kwento. pero sa totoo lang marunong, mahusay ang pamamaraan ng paglalarahan ng isang settings...isa sa potential kalakasan ng nagsulat.
TumugonBurahinsamantha lahat ng ginawa at gagawin ay may value may hinahanap ka lang na value na wala pa dito. pero pwede mo sabihin yun dahil para sayo.
yung pag-aaral kailngan nating lahat yun, sa process mapapaunlad natin yun, dapat lahat tayo mag aral.ok ba yun..